Tuesday, March 15, 2016

Mga Teorya ng Pinagmulan ng Wika

Maraming haka-haka tungkol sa pinagmulan ng wika. Bukod sa dami-daming teorya ng iba't ibang tao hindi padin maipaliwanag kung saan, paano at kailan talaga nagsimula ang wika. Tinatanggap ng mga dalubwika na hanggang sa ngayon ay wala pa ring katiyakan ang iba't ibang teorya tungkol sa pinagmulan nito. Isa itong palaisipang hanggang sa kasalukuyan ay hinahanapan ng patunay subalit nananatili pa ring hiwaga o misteryo.
Teorya ang tawag sa siyentipikong pag-aaral sa iba't ibang paniniwala ng mga bagay-bagay na may mga batayin subalit hindi pa lubusang napapatunayan. Iba't ibang pagsipat o lente ang pinanghahawakan ng iba't ibang eksperto. Ang iba ay siyentipiko ang paraan ng pagdulog samantalang relihiyoso naman sa iba. May ilang nagkakaugnay at may ilan namang ang layo ng koneksiyong sa isa't isa. Narito ang iba't ibang teorya ng wika sa tulong ng talahanayan.

Tore ng Babel
Batay sa istorya ng Bibliya, iisa lang ang wika noong unang panahon kaya't walang suliranin sa pakikipagtalastasan ang tao. Naghangad ang tao na higitan ang kapangyarihan ng Diyos, naging mapagmataas at nag-ambisyong maabot ang langit, at nagtayo ng pakataas-taas na tore. Mapangahas at mayabang na ang mga tao, subalit pinatunayan ng Diyos na higit siyang makapangyarihan kaya sa pamamgitan ng kaniyang kapangyarihan, ginuho niya ang tore. Ginawang magkakaiba ang Wika ng bawat isa, hindi na magkaintindihan at naghiwa-hiwalay ayon sa wikang sinasalita. (Genesis kab. 11:1-8)


Teoryang Bow-wow
Ayon sa teoryang ito, maaaring ang wika raw ng tao ay mula sa panggagaya sa mga tunog ng kalikasan. Ang mga primitibong tao diumano ay kulang na kulang sa mga bokabularyong magagamit. Dahil dito, ang mga bagay-bagay sa kanilang paligid ay natutunan nilang tagurian sa pamamagitan ng mga tunog na nalilikha ng mga ito. Marahil ito ang dahilan kung bakit ang tuko ay tinatawag ng tuko dahil sa tunog na nalilikha ng nasabing insekto. Pansinin ang mga batang natututo pa lamang magsalita. Hindi ba’t nagsisimula sila sa panggagaya ng mga tunog, kung kaya’t ang tawag nila sa aso ay aw-aw at sa pusa ay miyaw. Ngunit kung totoo ito, bakit iba-iba ang tawag sa aso halimbawa sa iba’t ibang bansa gayong ang tunog na nalilikha ng aso sa Amerika man o sa Tsina ay pareho lamang?



Teoryang Ding-dong
Kahawig ng teoryang bow-bow, nagkaroon daw ng wika ang tao, ayon sa teoryang ito, sa pamamagitan ng mga tunog na nalilikha ng mga bagay-bagay sa paligid. Ngunit ang teoryang ito ay hindi limitado sa mga kalikasan lamang kungdi maging sa mga bagay na likha ng tao. Ayon sa teoryang ito, lahat ng bagay ay may sariling tunog na siyang kumakatawan sa bawat isa at ang tunog niyon ang siyang ginagad ng mga sinaunang tao na kalauna’y nagpabagu-bago at nilapatan ng iba’t ibang kahulugan. Tinawag din ito ni Max Muller na simbolismo ng tunog.






Teoryang Pooh-pooh
Unang natutong magsalita ang mga tao, ayon teoryang ito, nang hindi sinasadya ay napabulalas sila bunga ng mga masisidhing damdamin tulad ng sakit, tuwa, sarap, kalungkutan, takot, pagkabigla at iba pa. Pansinin nga naman ang isang Pilipinong napapabulalas sa sakit. Hindi ba’t siya’ y napapa-Aray! Samantalang ang mga Amerikano ay napapa-ouch! Ano’ng naibubulalas natin kung tayo’y nakadarama ng tuwa? Ng sarap? Ng takot?






Teoryang Yo-he-ho
Pinaniniwalaan ng linggwistang si A.S. Diamond (sa Berel, 2003) na ang tao ay natutong magsalita bunga diumano ng kanyang pwersang pisikal. Hindi nga ba’t tayo’y nakalilikha rin ng tunog kapag tayo’y nag-eeksert ng pwersa. Halimbawa, ano’ng tunog ang nililikha natin kapag tayo’y nagbubuhat ng mabibigat na bagay, kapag tayo’y sumusuntok o nangangarate o kapag ang mga ina ay nanganganak?







Teoryang Ta-ta
Ayon naman sa teoryang ito, ang kumpas o galaw ng kamay ng tao na kanyang ginagawa sa bawat partikular na okasyon ay ginaya ng dila at naging sanhi ng pagkatuto ng taong lumikha ng tunog at kalauna’y nagsalita. Tinatawag itong ta-ta na sa wikang Pranses ay nangangahulugang paalam o goodbye sapagkat kapag ang isang tao nga namang nagpapaalam ay kumakampay ang kamay nang pababa at pataas katulad ng pagbaba at pagtaas na galaw ng dila kapag binibigkas ang salitang ta-ta.





Teoryang Ta-ra-ra-boom-de-ay
Likas sa mga sinaunang tao ang mga ritwal. Sila ay may mga ritwal sa halos lahat ng gawain tulad ng sa pakikidigma, pagtatanim, pag-aani, pangingisda, pagkakasal, pagpaparusa sa nagkasala, panggagamot, maging sa paliligo at pagluluto. Kaakibat ng mga ritwal na iyon ay ang pagsasayaw, pagsigaw at incantation o mga bulong. Ayon sa teoryang ito, ang wika raw ng tao ay nag-ugat sa mga tunog na kanilang nililikha sa mga ritwal na ito na kalauna’y nagpapabagu-bago at nilapatan ng iba’t ibang kahulugan.

No comments:

Post a Comment